Mga Kwentong Bayan / Philippine Folktales in English

Mga Epiko / Epic

Ang epiko ay tulang pasalaysay na nagsasaad ng kabayanihan ng pangunahing tauhan na nagtataglay ng katangiang nakahihigit sa karaniwang tao na kadalasan siya'y buhat sa lipi ng mga diyos o diyosa.

Ang paksa ng mga epiko ay mga kabayanihan ng pangunahing tauhan sa kanyang paglalakbay at pakikidigma.

Ang salitang epiko ay galing sa Griyego na
epos na nangangahulugang 'awit' ngunit ngayon ito'y tumutukoy sa pasalaysay na kabayanihan. 

Hudhud hi Aliguyon

Introduksyon:

Ang Hudhud ng Ifugao ay itinuturing na isa sa ilan na mahahalagang kayamanan ng panitikan ng Pilipinas. Ito ay inaawit ng mga kababaihan sa mga importanteng pagdiriwang tulad ng panahon ng pag-aani at kasal o kaya naman, tuwing gabi sa burol ng isang mahalagang lider ng komunidad. Ang mga inaawit na hudhud ay binubuo ng dalawa at kalahating berso.
Maliban sa tema nito na ukol sa kayamanan, ang katapangan o kagitingan at kagandahan ng mga kababaihan ay nangingibabaw din sa lahat ng mga hudhud.
Maraming bersyon ang hudhud, kabilang na dito ang kabayanihan ni Aliguyon. Ang kwento ay umiikot sa paghahanap niya sa mga kalaban ng kanyang angkan upang magkaroon ng dangal para sa kanyang sarili, sa kanyang mga kasama at para sa kanyang tribo. Ang lahat ng mga bersyon ng hudhud ay sumasalamin sa simpleng buhay ng mga taong naninirahan sa bundok at pinatotohanan ang tema ng pagpapanatili ng sarili at pagpapatuloy ng lahi ng tribo.



ISANG ARAW nuong Unang Panahon, sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino at masipag matuto ng iba’t ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami. Natuto siya kung paano makipag-bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells). Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.

Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon (reto, challenge) ay hindi si Panga-iwan. Ang humarap sa kanya ay ang mabangis na anak nito, si Pumbakhayon, marunong ng hiwaga at bihasa rin sa bakbakan tulad ni Aliguyon.

Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Pumbakhayon. Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Pumbakhayon upang iwasan ang sibat at, kagila-gilalas, sinalo sa hangin ang sibat ng isa niyang kamay! Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Pumbakhayon ang sibat at hinagis pabalik kay Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Pumbakhayon.

Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat si Aliguyon at Pumbakhayon hanggang umabot ng 3 taon, hindi pa rin tumigil ang bakbakan, at walang nagpakita ng pagod o pagsuko. Subalit sa bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagkaraan ng 3 taong bakbakan, natuto silang igalang ang isa’t isa.

Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Pumbakhayon at nahinto, sa wakas, ang bakbakan. Nag-usap at nagkasundo sila ng payapa (paz, peace) ng kanilang nayon ng Hannanga at Daligdigan. Buong lugod na sumang-ayon lahat ng tao sa 2 nayon, at ipinagdiwang nila ang kampihan ng 2 bayani.

Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang 2 nayon. Naging matalik na magkaibigan sina Aliguyon at Pumbakhayon. Nang sapat na ang gulang ni Aliguyon, pinili niyang asawa si Bugan, ang batang-batang kapatid na babae ni Pumbakhayon. Inalagaan niya sa bahay si Bugan hanggang lumaki itong napaka-gandang dalaga.

Ang pilining asawa naman ni Pumbakhayon ay ang kapatid na babae ni Aliguyon, si Aginaya. Ang 2 familia nila ay yumaman at iginalang ng lahat sa Ifugao.


Ibalon

(Epikong Bicolano)

Ayon sa salaysay ni Pari Jose CastaƱo, batay sa narinig niyang kuwento ng isang manlalakbay na mang-aawit na si Cadugnong, ang epikong Ibalon ay tungkol sa kabayanihan ng tatlong magigiting na lalaki ng Ibalon na sina Baltog, Handiong, at Bantong.  Ibalon ang matandang pangalan ng Bikol.
Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo.  Siya'y nanggaling pa sa lupain ng Batawara.  Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan.  Siya ang kinilalang hari ng Ibalon.  Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao.  Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim.  Si Baltog ay matanda na upang makilaban.  Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.
Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao.  Napatay nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig.  Ito ay si Oriol.  Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.
Naging payapa ang Ibalon.  Ang mga tao ay umunlad.  Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka.  Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.
Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural.  Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.
Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela.  Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.
Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon.  Subalit may isang halimaw na namang sumipot.  Ito ay kalahating tao at kalahating hayop.  Siya si Rabut.  Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang maengkanto.  May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato.  Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.
Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut.  Kaniya itong pinatay habang natutulog.
Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut.  Diumano, masama man si Rabut, dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito.  Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang napakalaking baha.
Nasira ang mga bahay at pananim.  Nalunod ang maraming tao.  Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok.  Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon.  Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.


(source: http://kapitbisig.com/philippines/tagalog-version-of-epics-mga-epiko-ibalon-epikong-bicolano.602)