Mga Kwentong Bayan / Philippine Folktales in English

Mga Pabula

 Ano ang Pabula?


Ang karaniwang pabula ay kuwento kung saan mga hayop ang gumaganap at ang mga hayop na ito ay kumikilos at nagsasalita na tulad ng tao.

Madalas na inilalarawan ng pabula ang dalawang hayop na may magkaibang ugali at nagwawakas ang kuwento na nagwawagi ang may mabuting ugali. Nag-iiwan ito ng aral sa mambabasa.

Ang pabula ay tumutukoy sa pang-araw-araw na buhay sa daigdig (maliban sa pagsasalita ng mga hayop). Sa pabula, ang mga suliranin ay nilulutas hindi ng mga kababalaghan, na tulad ng mga kuwentong engkantada, kundi sa pamamagitan ng mapanusong paraan, paghahanda, o sa pamamagitan ng matalinong gawa na katulad ng tao sa kanilang paglutas ng suliranin.

Halimbawa sa pabulang “Ang Aso at ang Uwak”, nakuha ng aso ang karne sa pamamagitan ng pagpuri sa uwak.

Sa pabulang “Ang Kuneho at Pagong”,  naunahan ng pagong ang kuneho dahil sa kanyang matiyaga at patuloy na paglalakad.

Sa pabulang “Ang Matalinong Pagong at Hangal na Matsing”, napaglalangan ng pagong ang matsing nang magkunwari siya na ayaw na ayaw niya sa tubig.

Ang mga aral sa mga pabula ay naging bahagi ng ating pang-araw-araw na pakikipag-usap tulad ng “Matalino man ang matsing”, “Huwag bibilangin ang itlog,” at “Balat man ay malinamnam”.

Ngunit hindi naman lahat ng pabula ang pangunahing gumaganap ay hayop. Mayroon ding pabula kung saan ang gumaganap ay tao katulad ng “Ang Batang Sumigaw ng Lobo” at “Ang Babaing Maggagatas” o magkahalong hayop at tao na katulad ng “Ang Mabait at Masungit na Buwaya”.


Ipinalalagay na nagsimula ang pabula kay Esopo, isang aliping Griyego, sa taong 400 B.C. Siya ay pangit, tuso at matalino ngunit sa kanyang kahusayan sa pagkukuwento ng pabula, siya’y pinalaya at nagkaroon ng tungkulin.

 

 

 

 

Bakit Dala-dala ni Pagong ang kanyang Bahay

Noong mga unang araw ay sinusugong paminsan-minsan ng bathalang maykapal si Barangaw magmula sa alapaap upang tingnan kung maligaya ang ating mga ninuno.  Kung minsan si Barangaw ay nag-aanyong bahaghari upang pahintuin ang unos na maaaring makasira sa mga pananim.  Kung minsan ay nag-aanyong isang sultan, naglalagay ng putong, nagdadamit ng kundiman at palakad-lakad sa loob at labas ng balangay.  Isang baston o tungkod na nilalik na kamagong ang kanyang dala-dala tanda ng kapangyarihan.  Ito ang pinaparusa niya sa mga malulupit at mga masasama, at ito rin ang ginagamit niya sa paggawad ng gantimpala sa mabubuti.
Isang araw noong panahon ni Lakan Lumatay ay inutusan nga ni Bathala si Barangaw na mamasyal sa Malanday upang malaman ang mga daing ng mga aliping namamahay at aliping sagigilid.  Samantalang naglalakad si Barangaw, nakaalinig siya ng abot-abot na lagapak ng hagupit na kasabay ang malungkot na daing.  Bakit kaya? ang tanong ni Barangaw sa kanyang sarili walang kakilakilatis siyang nasok sa silid na pinanggagalingan ng daing ng taong hinahagupit ng lanubo ng bayabas.  Kitang-kita niyang namimilipit sa sakit ang taong hinahagupit na sa kahit saan tamaan! Kaawa-awang alipin! ang malungkot niyang nasabi.
Walang nakakita kay Barangaw sapagkat ang tagaputong niya ay maysa tagabulag, ngunit kitang-kita niya ang lahat.  Naroon si Lakan Lumatay at nakapamewang, pinag-abot-sikong nakabalita ang alipin at pinapalo ng walang patumangga ni Magbitag na siyang tagapagparusa ni Lakan.
Saan mo itinago ang iyong anak na dalaga? Ang tanong ni Magbitag, sandaling tinigilan ng palo ang alipin ito’y hubad baro, at ang katawan ay halos putok-putok sa sa kapapalo.
Hala, magsabi ka ng totoo.  Pag hindi’y mauutas ka.  Dapat mong ipagpasalamat na Lakan pa at puno natin ay may ibig sa anak mo.  Ano, magsasabi ka o hindi?
Hindi umimik si Barangaw.  Nakinig siya upang malaman ang puno’t dulo ng paghahagupit na yaon.  Hinintay na sumagot ang alipin, ngunit ito’y walang imik Matigas ang ulo, Hala lantakan mo uli! ang makapangyarihang utos ni Lakan Lumatay.  Pagkamatay ay itapon na ninyo sa ilog at ng lamunin ng buwaya.
Pagkaunat-unat ng Magbitag ng kanyang bisig upang hagupitin na naman ang aliping halos wala ng malay-tao.  Datapwa’t ng sasayad na sa katawan ang lanubo ang tagapagparusa ay biglang sinangga ng tungkod na kamagong ni Barangaw.  Nahulog sa lupa ang lanubo at nanginig ang buong katawan ng mabalasik na si Magbitag.
Si Barangaw ay galit na galit sa nakita niayang kalupitan ng punong dapat sanang magpasunod sa kahabag-habag na alipin.
Lakan Lumatay! Ikaw ba ang nag-utos na hagupitin ang aliping ito? ang tanong ni Barangaw.
Hulihin ang pangahas! ang mabangis na utos ni Lakan Lumatay sa kanyang mga kampon.  Paluhurin sa monggo at timbain sa tubig.

Sayang, sa gulogod mo sana naubos ang lanubo ko.  Kung hindi lamang sa utos ng puno ko, masasarapan ka!  Mata mo lang ang walang latay! At inakmang hagupitin si Barangaw.
Ngunit pinigil ni Barangaw ang lanubo, hinarap si Magbitag at ang wika: Malupit kang walang kaparam wala kang awa sa kapwa.  Ngayon din ay magsisi ka ng iyong mga kasalanan.
Dadaluhong sana si Magbitag ngunit ang mga paa nito ay parang natilos sa kinatatayuan at nawalan ng lakas.
Kaya si Lakan Lumatay naman ang nagtangkang humagupit kay Barangaw, ngunit ito’y nawalan din ng lakas.
Ah, malulupit, magagara ang inyong damit, maiinam ang inyong bihis ngunit wala kayong bait.  Binigyan pa naman kayo ng Lumikha ng puso’t diwa, ang bagay sa inyo ay ito! at anyong hahatawin ang kanyang tungkod.
Ngunit ang alipin ay natauhan noon at napasigaw.  Poon ko po patawarin mo po ang aking puno.  Ang akin pong anak ay itinatago ko nga!
Hindi itinuloy ang paghataw ni Barangaw.
Bakit mo itinago ang iyong anak? ang tanong sa alipin.
Ayaw ko ng anak ko na mahulog sa kamay ni Lakan.  May tunay po siyang iniibig: si Malaya, ayoko po namang piliting ibigin ng anak ko ang Lakan.  Ako po ang may sala.  Patawarin mo na po ang aking puno.
Mabuti kang kampon, aliping tapat hanggang wakas.  Bakit ang kalupitan ay sinusuklian mo ng katapatan? Dahil sa iyong hiling ay hindi ko papatayin ang iyong puno at ang humagupit sa iyo.  Subalit sila’y hindi makatao, kaya’t sila’y dapat parusahan.  Buhat ngayo’y mag-uusad silang tulad ng ibang hayop; ngunit ng sila’y may masilungan, dadalhin nila ang kanilang bahay.
Sinaling ang tungkod niya kay Lakan at si Magbitag, at ang wika sa mga ito: Mula ngayon ay dadalhin ninyo ang inyong bahay at kayo’y uusad upang huwag ng pamarisan.

Sanggunian : Villanueva, Zenaida Padilla. Patnubay sa Pag-aaral ng Panitikang Filipino, Manila: Miriam & Webster Bookstore, 2000, pp. 53-55.




Ang Mag-anak na Langgam

Malapit-lapit na naman ang tag-ulan kung kaya’t ang isang mag-anak na langgam ay abalang-abala sa paghahakot ng pagkain para sa kanilang pinagtataguan.
Huwag kayong lilihis ng landas patungo sa ating lungga, dahil sa may gawing kaliwa ay may munting kanal, sabi ni Tatay Langgam.
Hindi po kami lalayo, sabi ni Unang Munting Langgam.
Abala sa paghahakot ng mga pagkain ang bawat isa, kung kayat hindi nila napansing ang Bunsong Langgam ay unti-unting humiwalay sa pila.
Nakakapagod naman ang paghahakot ng pagkain, matagal pa naman ang tag-ulan ay naghahanda na kami, sabi sa sarili ng Bunsong Langgam.  Buti pa’y maghanap ako ng mas masarap na pagkain.
Walang anu-ano’y nakakita ng isang kendi na malapit na malapit sa kanal na ipinagbabawal na puntahan ng kanyang ama.
Siguro naman ay hindi ako mahuhulog sa kanal kung dahan-dahan kong kukunin ang kendi.
Sa kasabikan niyang makuha ang kendi ay hindi niya napansin ang munting sinulid na kinapatiran ng kanyang paa, kaya nawalan siya ng panimbang at tuloy-tuloy na nahulog sa kanal.
Hindi mapakali ang Amang Langgam nang hindi niya makita ang kanyang Bunsong anak sa pila.  Kaya dali-dali siyang umalis upang ito’y hanapin, hanggang sa siya’y mapadako sa ipinagbabawal na pook.  Pagtingin niya sa ibaba ay nakita niyang nakalutang sa tubig ang kanyang bunsong anak.
Masakit man sa kalooban ay naibulong niya sa kanyang sarili na: Iyan ang napapala ng mga anak na matigas ang ulo.

(source: http://kapitbisig.com/philippines/information/arts-and-literature-mga-pabula-fables.188)