Mga Kwentong Bayan / Philippine Folktales in English

Mga Balagtasan

Ang balagtasan ay isang pagtatalo sa pamamagitan ng pagtutula. Inimbento ito noong panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng Amerika, base sa mga lumang tradisyon ng makatang pagtatalo gaya ng karagatan, huwego de prenda at duplo. Ang pinagmulan ng pangalan na balagtasan ay ang orihinal na apelyido ni Francisco Baltazar, Balagtas, dahil ginawa ito para sa okasyon ng pagdiwang ng anibersaryo ng kanyang kaarawan.
Ang balagtasan ay hawig sa isang duplo. Ang mga kasali dito ay gumaganap na nasa isang korte na sumisiyasat sa kaso ng isang hari na nawala ang paboritong ibon o singsing. May gumaganap nafiscal o tagausig, isang akusado,at abogado. Ito ay magiging dibate o sinasabing tagisan ng katwiran sa panig ng taga-usig at tagapagtanggol at maaaring paiba-iba ang paksa. Bagamat ito ay lumalabas na dibate sa pamamaraang patula, layunin rin nito na magbigay aliw sa pamamagitan ng paghahalo ng katatawanan, talas ng isip, na may kasamang mga aktor sa isang dula. Ang balagtasan ay ginamit ng mga manunulat upang maipahiwatig ang kanilang palagay sa aspetong politika at mga napapanahong pangyayari at usapan.



Alin and Higit na Mahalaga, Wikang Filipino o Wikang English? Isang Balagtasan ni Gng. Resy A. Felipe (New Era Elementary School)

Alin and Higit na Mahalaga, Wikang Filipino o Wikang English?
Isang Balagtasan ni Gng. Resy A. Felipe (New Era Elementary School)
Lakandiwa:
Minamahal naming mga kamag-aral
Mga magulang, mga guro at prinsipal
Mga panauhing pinagpipitaganan
Naririto ngayon sa’ting paaralan.
Magandang umaga po, ang bating marangal
Ang Buwan ng Wika ating ipagdiwang
Ikalimang baitang ang amin pong alay
Ipagmamalaki, isang balagtasan.
Wikang Filipino ay sariling wika
At ang wikang English ay wikang banyaga
Kapwa ginagamit ng may pang-unawa
Higit na mahalaga, alin na nga kaya?
Sa umaga pong ito, aking ipinakikilala
Dalawang mahusay, maganda at batikang makata
Sa pangangatuwiran, hahanga ka sa kanila
Masigabong palakpakan pasalubungan natin sila.
Sa wikang Filipino ang mangangatuwiran
Si Bb. Irish ng Grade V- Emerald
At sa wikang English ang makakalaban
Bb. Lariza ng Grade V- Section one.

Wikang Filipino:
Sa puso at diwa, ako’y Pilipino
Mgandang Pilipinas ito ang bayan ko
May sariling wika, wikang Filipino
Na s’yang nagbubuklod sa sambayanan ko.
Wikang Filipino ay wikang panlahat
Ang ilaw at lakas ng tuwid na landas
Sa pagkakaisa naipahahayag
Mabisang kalasag tungo sa pag-unlad.

Wikang English:
Alam nating itong English, isang wikang pandaigdig
Sa lahat ng pag-aaral pangunahing ginagamit
Ang mga asignaturang Science, English at Mathematics
Paano mo ililiwat, di malirip, di maisip.
Ang bagong alpabeto hindi mo ba napapansin
Ang dating A B K D ngayon ay A B C D na
May computer, may internet, Facebook at may Google plus pa
Ito’y mga pagbabagong Wikang English ang simula.

Wikang Filipino:
Alam nating sa’ting mundo marami ng pagbabago
Makabagong teknolohiya patuloy sa pag-asenso
Mentalidad na kolonyal dayuhan ang pasimuno
Ngunit naghihirap pa rin ang maraming Pilipino.
Sariling wika ay salamin nitong ating pagkatao
Matibay na pundasyon ng ating pagka-Pilipno
Isang wikang kinagisnan minana pa sa ninuno
Nararapat alagaan, itaguyod nang lumago.

Wikang English:
Sapagkat itong English isang wikang unibersal
Wikang ating ginagamit sa pakikipagtalastasan
Sa pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan
Upang itong mga bansa ay magkaunawaan.
Kahit hindi ka nakatapos sa iyong pag-aaral
Kung mahusay kang mag-English sa call center ka mag-apply
Siguradong matatanggap at kikita rin kaagad
Kaya nga lang, mga dayuhang makukulit, kausap mo sa magdamag.

Wikang Filipino:
Sa mahal kong katunggali na kapwa ko Pilipino
Huwag nating kalimutan, dapat nating isapuso
Itong wikang kinagisnan, ang Wikang Filipino
Gamitin nating sandigan sa pag-unlad, pag-asenso.

Wikang English:
Hindi ko nalilimot na ako ay Pilipino
Mahalaga rin ang English at ‘yan ay nababatid mo
Lalo na kung may balak kang sa ibang bansa ay magtungo
Ang pandaigdig na wika, dapat pag-aralan mo.

Lakandiwa:
Tama na, sukat na, mahuhusay na makata
Ang pagtatalo n’yo ay h’wag nang palawigin pa
Sa madlang nanonood kayo na po ang magpasiya
Alin ang mas mahalaga, sariling wika o wikang banyaga?
Kaming tatlo ay narito, sa inyo’y nagpapasalamat
Mahal naming kamag-aral, mga guro at magulang
Taos pusong bumabati, maligayang pagdiriwang
Ang hiling po namin, masigabong palakpakan.

(Source: http://definitelyfilipino.com/blog/2011/11/12/alin-and-higit-na-mahalaga-wikang-filipino-o-wikang-english-isang-balagtasan-ni-gng-resy-a-felipe-new-era-elementary-school/)



Balagtasan sa Pistahan
written & moderated by Greg B. Macabenta for the San Franciso Pistahan, Aug. 14-15, 2010. With Rodel Rodis & Rudy Asercion

MODERATOR:
MAGANDANG ARAW PO, MGA KAIBIGAN -
WELCOME TO PISTAHAN AND THIS BALAGTASAN.
ANG PAGTUTUNGGALI ATING SISIMULAN,
NANG MADAGDAGAN ATING KARUNUNGAN
ANG INYONG LINGKOD AY MAKATANG PULPOL -
TAGALOG BALI, ENGLISH AY BULOL
ANG MAGKATUNGGALI, SI RODEL AT SI RUDY,
PAREHONG MAGITING, MAGANDANG LALAKI.
DILA’Y MADULAS, ANG ULO’Y MATALAS
SA ARGUMENTATION HINDI PALALAMPAS.
THE TOPIC TODAY AY NAPAKAINIT -
SO HOT, IT IS BURNING, WE ALL WANT TO HEAR IT.
IT’S ALL ABOUT MARRIAGE, TUNGKOL SA KASALAN.
IT’S ALSO ‘BOUT LOVE, ANG PAGMAMAHALAN
WHEN TWO ARE IN LOVE, ANO ANG HANTUNGAN?
HINDI BA SA MARRIAGE, SO THEY CAN BE ONE?
ANG LOVE AT KASALAN AY NATURAL LAMANG.
DAPAT BANG PIGILAN, DAPAT HADLANGAN?
RUDY:
PROBLEMA NITO, KUNG ANG MAGKASUYO
AY KAPWA BABAE O LALAKING PAREHO.
SABI NG BATAS, IYAN AY HINDI OKAY -
KINAKASAL LAMANG, LALAKI’T BABAE.
RODEL:
SAGOT KO NAMAN, KAHIT NA PAREHO -
THE SEX DOES NOT MATTER - KUNG NOBYA AT NOBYO.
AY NAGMAMAHALAN, DAPAT IKASAL.
NO ONE SHOULD PREVENT IT, DI DAPAT IBAWAL;
MODERATOR:
IYAN NGA ANG PAKSA NG ATING DEBAH-TE
SANDATA’Y TULA AT HINDI KARATE.
THEIR LOGIC THEY’LL USE, TO SUPPORT THEIR POSITION
SA PANGANGATUWIRAN, FOR JUSTIFICATION.
ATIN NANG SIMULAN ITONG BALAGTASAN
SA HARAP NG BAYAN, DITO SA PISTAHAN.
WE WILL NOW BEGIN THIS BATTLE OF WITS -
OF POETIC MISSES AND VERSIFIED HITS.
DAPAT BANG PAYAGANG SA KASAL ITALI -
BABAE SA BABAE, LALAKI SA LALAKI?
WE’LL SAY IT IN ENGLISH, SO YOU’LL UNDERSTAND -
SHOULD SAME SEX MARRIAGE BE ALLOWED OR BE BANNED?
RUDY:
AKING PANIWALA’Y DI DAPAT PAYAGAN.
I BELIEVE THAT MARRIAGE IS FOR WOMAN AND MAN.
IT IS AGAINST NATURE, SABI NG BIBLIYA,
DI GUSTO NG DIYOS SA KANYANG NILIKHA.
RODEL:
SALUNGAT PO NAMAN ANG AKING OPINYON
WHEN FOLKS LOVE EACH OTHER, JUST LEAVE THEM ALONE
BABAE-BABAE, LALAKI-LALAKI
IF THEY ARE IN LOVE, TO MARRY IS OKAY
MODERATOR:
SO LET US BEGIN, SIMULAN ANG DEBAH-TE
GIVE YOUR ARGUMENTS AND MAKE TALUMPATI
KUNG SINO ANG TAMA AT SINO’NG MALI
BAYAN HUHUSGA, SA DULO’T SA HULI
KUNG OKAY ANG PUNTOS, DAPAT PALAKPAKAN
KUNG BALUKTOT NAMAN, PUEDENG KANTIYAWAN
HUWAG LANG BABATUHIN NG BULOK NA KAMATIS
PLEASE DON’T THROW TOMATOES, SABI NGA SA INGLIS
UNANG RARATSADA SI RUDY ASERCION
AYAW SA KASALAN, SALUNGAT ANG POSISYON
RUDY:
NUONG UNANG PANAHON NILIKHA SI ADAN
GOD CREATED ADAM AND MADE HIM A MAN
BUT HE WAS ALONE AND COULD NOT REPLICATE
AND SO GOD MADE EVA SO THEY COULD PROCREATE
ANG SABI NG DIYOS GO OUT, MULTIPLY
THEY WERE MADE FOR EACH OTHER; SILA’Y BAGAY NA BAGAY
KUNG BAGA SA SUSI, ANONG PAG-GAGAMITAN?
HINDI BA ANG BUTAS NA SINUSUSIAN?
SO WHAT IS A KEYHOLE IF NOT FOR A KEY?
YAN DIN ANG BABAE PARA SA LALAKI.
WHEN TWO PEOPLE HAVE SEX AS WOMAN AND MAN
ANG RESULTA’Y SANGGOL, IN LINE WITH GOD’S PLAN
KUNG PAREHONG LALAKI O KAPWA BABAE
MAKAGAGAWA BA NG TUNAY NA BABY?
IF THEY’RE THE SAME GENDER THEY CAN’T MULTIPLY
PAG IYAN ANG MANGYARI ALL MANKIND WILL DIE
THE WHOLE HUMAN RACE WILL BECOME EXTINCT
THE IMPACT ON MANKIND IS WORSE THAN YOU THINK
RODEL:
ITO’NG SI ASERCION IS THINKING THE WORST
THE LOGIC YOU’ARE USING I WILL EASILY BURST
PASASABUGIN KO ANG ‘YONG KATUWIRAN
PAGKA’T LOGIC MO’Y, WALANG KATUTURAN
THE RELATIONSHIP BETWEEN MAN AND WOMAN
HINDI APEKTADO SA ATING USAPAN.
TULOY DIN ANG MARRIAGE NI MARIA’T JUAN -
THAT WILL NOT BE AFFECTED BY LIFTING THE BAN
EVEN IF YOU DISMANTLE PROPOSITION EIGHT
THE WOMEN AND MEN WILL CONTINUE TO MATE.
THAT WILL NOT ARREST POPULATION EXPLOSION
WITH WOMEN AND MEN IN SEXUAL FUSION
BUT THE RIGHT TO GET MARRIED AND EXCHANGE SOLEMN VOWS
KAHIT ANONG GENDER, WE MUST SIMPLY ALLOW
WE SHOULD NOT DEPRIVE THEM OF THEIR HUMAN RIGHT
THE LOGIC IS CLEAR AS DAY FOLLOWS NIGHT
RUDY:
THE LOVE OF TWO PEOPLE, WHATEVER THEIR SEX
WE DO NOT OBJECT TO, THAT MUCH WE RESPECT.
MAG DOMESTIC PARTNERS, MAGSAMA SA BAHAY
MAGSIPIN SA KAMA, MAG-BOND HABANG BUHAY
PERO ANG KASALAN, ATING IBAHIN;
IYAN AY INSTITUTION NA DAPAT GALANGIN.
SA HARAP NG DIYOS, SA HARAP NG BATAS
HINDI MAGKABAGAY ANG BUTAS SA BUTAS.
SA JUDGE O SA PARI, ANG PAREHO ANG ARI
DI DAPAT IKASAL, DI DAPAT MANGYARI
RODEL:
ANG NGALAN NG DIYOS LABAS SA USAPAN
BATAS NA SIBIL IBA SA SIMBAHAN.
THERE IS SEPARATION OF CHURCH AND OF STATE
AND THIS HAS A BEARING ON THIS GREAT DEBATE
EXAMPLE NA LAMANG, SI BARACK AT HASSAN
KUNG DI MAN KRISTIYANO AY NAGMAMAHALAN
PIPILITIN MO BA, GINOONG ASERCION
NA SUMUNOD SA UTOS NG IYONG RELIHIYON?
ACCORDING TO LAWS OF THIS SOVEREIGN NATION
WE HAVE EQUAL RIGHTS IN OUR CONSTITUTION.
KRISTIYANO, HUDEO, MUSLIM O PAGANO
THEIR RIGHTS ARE PROTECTED NG ATING NINUNO.
DI MAN NATIN GUSTO, LIFESTYLE NG IBA,
DAPAT NATING IGALANG ANG BUHAY NILA
RUDY:
THERE ARE LAWS OF NATURE THAT YOU CAN’T DEFY
BATAS KALIKASAN YOU CANNOT DENY -
HUMAN BEINGS OR BEASTS, HAYUP MAN O TAO
AY DAPAT SUNDIN ANG BATAS NG MUNDO
MANIWALA KA’T DILI SA DIYOS O SIMBAHAN
DI MAIKAKAILA ANG KATOTOHANAN -
THE FEMALE AND MALE ARE FACTS YOU CAN’T HIDE;
THE OPPOSITE SEXES CANNOT BE DENIED
THEY’RE MEANT FOR EACH OTHER, LIKE ARROW AND BOW
WILL YOU TRY TO CHANGE THIS? I JUST DON’T KNOW HOW.
HAYUP MAN O TAO DAPAT MAGKABAGAY
WHY YOU SHOULD DENY THAT, I’LL NEVER KNOW WHY
IKAW MISMO RODEL, ANO ANG KABIYAK?
HINDI BA SI EDNA AT KAYO’Y MAY ANAK?
HUWAG MONG IPAGLABAN ANG DI MO GAWA -
HINDI BA BABAE ANG IYONG ASAWA?
RODEL:
LIHIS SA USAPAN, TINUTUKOY MO
HUWAG NATING ISALI, ITONG MISSES KO
KUNDI MGA TAO NA NAGMAMAHALAN
PINAGKAKAITAN NG KALIGAYAHAN.
LET’S NOT TALK OF OURSELVES AND THE THINGS WE ENJOY;
OF THINGS WE ARE USED TO BETWEEN GIRL AND BOY,
BUT DIFFERENT FOLKS ANG SIYANG PAGUSAPAN
NA TULAD DIN NATING MAY KARAPATAN.
HINDI KOMO’T TAYO GANITO’NG PANIWALA
PAG NAIIBA, MALI BA’’T MAY SALA?
DAPAT NATING IGALANG ANG LIFESTYLE NILA
HUWAG MONG PAIRALIN ANG MALING AKALA
RUDY:
GINAGALANG KO KANILANG PAMUMUHAY
DAPAT DING GALANGIN AT HUWAG SUSUWAY
TRADITION OF MARRIAGE DI DAPAT BALIIN
ITO’Y TRADISYONG DAPAT RESPETUHIN
OKAY LANG SA AKIN, KANILANG PAGSASAMA
AT SA HABANG BUHAY MAGMAHALAN SILA
ANO MAN ANG GAWIN SA SILID AT SA KAMA
DI KO HUHUSGAHAN KUNG MALI O KUNG TAMA.
KUNG PAYAG ANG BATAS NA MAGPARTNER SILA
OKAY DIN SA AKIN, HINDI KO PROBLEMA.
NGUNI’T ANG KASALAN AY DAPAT IGALANG
DI DAPAT BALIIN KAHIT BALAGTASAN
AT DIYAN TATAPUSIN AKING KATUWIRAN
DI MO MABABAGO ANG PANININDIGAN
THE TRADITION OF MARRIAGE WILL ALWAYS BE ONE
WHERE TWO PERSONS ARE JOINED AS WOMAN AND MAN
RODEL:
IKAW NAMAN RUDY, KAPUS KATUWIRAN
MALING PANIWALA PINAGPIPILITAN
KAHIT SINAUNA ANG LOGIC AT REASON
WHICH HAS NO MORE PLACE IN THIS TIME AND THIS SEASON
OLD-FASHIONED KA NGA, LIPAS NA SA MODA
AYAW MONG UMAMIN KAHIT NA MAY DUDA
RUDY:
KAHIT SINAUNA, AKING PANIWALA
IKAW MISMO RODEL DI NAIIBA
ANG MAYBAHAY MO’Y SI EDNANG GANDA
BINIBINING TUNAY, WALANG DUDA-DUDA
AT ANG IYONG MAGULANG AY WOMAN AND MAN
SA KANILANG PAGSASAMA KAYO’Y NAGLITAWAN
KUNG SILA KAYA , ANG SEX AY PAREHO
MAGKAKAROON BA NG RODEL NA GUWAPITO?
RODEL:
IKAW NAMAN RUDY, KAHIT TUTUO
HUWAG IPAGSIGAWAN NA AKO AY GUWAPO.
HUWAG MONG IDAAN ITONG BALAGTASAN
SA PURI’T KANTIYAW KUNG KAPUS SA KAT’WIRAN
MODERATOR:
SINO ANG PANALO SA PAGTATAGISAN
NG DUNONG AT DILA SA ‘TING BALAGTASAN?
MGA TAONG BAYAN ATING PAKINGGAN
SA PAGPAPALAKPAK INYONG HUSGAHAN
UNANG ITUTURO SI RUDY ASERCION
BILIB BA KAYO SA KANYANG POSISYON?
(AUDIENCE RESPONDS)
MODERATOR:
RODEL RODIS NAMAN, INYONG HUSGAHAN
IDAAN SA SIGAW AT SA PALAKPAKAN
(AUDIENCE RESPONDS)
MODERATOR:
KAYO ANG HUMUSGA, HINDI PO AKO
I DON’T WANT TO JUDGE IT, KUNG TALO’T PANALO
DITO TATAPUSIN, ATING BALAGTASAN
LABANAN NG MAKATA SA ATING PISTAHAN.
ANG INYONG LINGKOD MAKATANG PULPOL
ENGLISH AY BALI, TAGALOG BULOL
HANGGANG DITO NA LAMANG ANG ATING USAPAN
KAHIT WALANG BAYAD ENJOY PO NAMAN
MARAMING SALAMAT MGA KABABAYAN

TAPOS BALAGTASAN, TULOY ANG PISTAHAN

(Source: http://asianjournalusa.com/balagtasan-sa-pistahan-p9331-130.htm)









MATALINO VS. MAYAMAN

SINO ang mas sikat at higit na dapat hangaan:
MATALINO o MAYAMAN?


Mula sa panulat nina:
JULIET ASENITA — nagtanggol sa panig ng MATALINO; kasamang
sumulat ng iskrip si GONIE T. MEJIA
RAFAEL A. PULMANO — nagtanggol sa panig ng MAYAMAN
DOMINGO TOLENTINO — namagitan bilang LAKANDIWA


LAKANDIWA (Pagbubukas)

Muli ang Balagtasan ay sumasahimpapawid
Kababayang minamahal, ilakas ang radyo't makinig
Dalawang magaling na makata, Balagtasa'y ihahatid
Magandang gabi po muna sa lahat ang bati naming matamis.

Kami po'y muling maghahandog sa inyo ng kasiyahan
Upang ang pagod ninyo sa trabaho ay maibsan
Ginaganap natin ito bawat unang Lunes ng buwan
Ang tagisan ng katuwiran na kung tawagi'y balagtasan.

Para kay Ginoong Robert Generao ng FT Construction
Tugon sa katanungan niya'y igagawad namin ngayon
Marami pong salamat sa panawagang kanyang tinugon
Ang paksang iminungkahi niya'y idadako sa kuwestyon.

Si Ka Domeng po ito, ang inatasang maging Lakandiwa
Na siyang papagitna at hahatol sa dalawang maghihidwa
Para naman inspirado, ang kaba ko ay mawala
Maaari bang makahiling ng palakpakang masagana!

Sa matunog nyong palakpak, ang sukli ko ay salamat
Dalawang angkan ni Balagtas ang siya ngayong maghaharap
Ang tagisan ng talino ngayong gabi'y magaganap
Pakinggan nating mabuti nang maunawaan nyong tiyak.

Akin na pong ihahayag ang paksa ng balagtasan
Na ang tema'y sino nga ba ang mas sikat at higit na hahangaan?
Ang may angking likas na talino o ang isang mayaman?
Ating sasagutin ngayon nang malutas ang katanungan.

Matapos na maihayag ang katanungang tutugunin
Ang dalawang maghihidwaan ay atin nang palitawin
Si Juliet Asenita ang siyang unang tatawagin
Sa matunog na palakpak siya'y ating suubin!


MATALINO (Pagpupugay)

Ang likas na kakayahang taglay ay walang katumbas
Kaya sa matalino ang mariin kong sagot na ihahayag
Pero bago muna, hayaan nyo bati ko'y maigawad
Maligayang pakikinig, magandang gabi po sa lahat.


LAKANDIWA

Taga-Dupax, Nueva Vizcaya po ang black byuting paraluman
Likas sa dugo't lahi niya ang walang takot kung lumaban
Pakinggan naman natin ang makatang makakapingkian
Iniwan niya ang mag-iina upang tayo'y matugunan.

Taga-Binan, Laguna po ang haharap na makata
Nakilalang magaling din sa larangan ng pagtula
Si Ralph Pulmano po, guwapo na may itsura pa
Salubungin natin siya ng palakpakang masagana!


MAYAMAN (Pagpupugay)

Salamat po, Lakandiwa at sa bayang nakikinig
Ako po ay bumabating buong galak, kinikilig!
Sa kalaban ko po namang madilim din yaong kutis
Kung sya po'y sa matalino, sa mayaman ako'y bilib.


LAKANDIWA

Sa pagpapakilala pa lang sa dalawang magpipingkian
Ay tila ba mainit na ang kanilang labanan
Para naman ang pananabik nyo ay hindi mabitin
Sila pong dalawa ay atin nang pagitnain.


MATALINO (Unang tindig)

Musmos pa man tayong bata'y pangaral na ng magulang
Ang talino'y kabahagi sa magandang pamumuhay
Ito'y isang katangiang tataglayin habang buhay
Karunungan ay hagdanan sa pag-abot ng tagumpay.

Ang bansa ay umuunlad kung dito'y nanunungkulan
Malawak ang nababatid, di kapos ang kaalaman
Ngunit kung ang namumuno'y masalapi ngunit mangmang
Magagapi ang pag-asa ng kanyang sinasakupan.

Sa karandamang mapanganib, lalapitan ba ay sino?
Di ba dalubhasang duktor sa lunas ay sigurado?
At sa mga paaralan, nagsisilbi'y mga guro
Dunong nila ang sandata nang tayo ay mapanuto.

Sariwain naman natin sa gunita ang lumipas
Sa dayuhang mananakop lumaya ang Pilipinas
Ito'y dahil sa utak ng isang henyo at pantas
Kay Gatpuno Jose Rizal na dunong ang itinumbas.

Maliwanag ang sagot ko sa tanong na tinutugon
Ang marapat na hangaan ay yung mga marurunong
Kahit ikaw ay mayaman, kung ulo mo ay mapurol
Kasikatan ay mailap, salapi man ay igugol.


LAKANDIWA

Ang panig po ni Juliet ay narinig ninyo
Higit na sisikat at hahangaan ay itong matalino
Pakinggan naman po natin ang makatang si Ralph Pulmano
Ihatid po natin siya ng palakpakang masigabo!


MAYAMAN (Unang tindig)

Kalaban kong paraluman ay masyado pong seryoso
Baka labis pong magdamdam kapag dito ay natalo
Yamang paksa nami'y tungkol sa mayama't matalino
Hayaan nyong sa inyo po ako muna ay magkwento.

Ang pulubing matalino at mayamang di marunong
Isang araw ay nagtagpo sa labas ng Mandaluyong
Mayaman ay walang kaya sa diskurso at diskusyon
Pagsapit ng tanghalian, matalino ang syang gutom.

Sa byahe ng Continental Airlines, minsan, nagkatabi
Matalinong contract worker at mayamang negosyante
Ang bitbit ng matalino'y diploma at pasaporte,
Ang mayaman, pasalubong na pinakyaw sa Duty Free.

Matalino'y nag-aabroad, tinitiis yaong hirap
Mayaman din, nag-aabroad, para naman magpasarap
Sino nga ba sa dalawa ang mas lamang at mas sikat?
Kahit sa tulad kong mangmang, ang sagot po'y maliwanag.

May oras pa, katalo ko, upang ikaw'y makaatras
Balutin na ang dila mo habang di pa nagkakalat
Balagtasa'y hindi laging labanan ng mauutak
Kung minsan din, nagwawagi'y ang makatang may pambayad!


LAKANDIWA

Iyan po ang katuwiran ng makatang taga-Binan
Lalo daw sikat at dapat hangaan ay yung mga mayayaman
At para naman lalo nating ito'y maunawaan
Magpapatuloy po sila at atin namang palakpakan!


MATALINO (Ikalawang tindig)
Malabo po ang pananaw sa tunay na nagaganap
Nitong aking katunggaling panalo ang siyang hangad
Magagawa bang gutumin ang may utak at ng lakas?
O baka po nagbibiro dahil siya ang babagsak!

Marunong ang naglilingkod sa negosyo ng mayaman
Upang lalo pang lumago sa panahon mang daratal
Ano kayang mangyayari kung wala yaong may aral?
Baka itong masalapi'y hahantong sa basurahan.

Ang dalawa'y naisipang mag-aplay patungong langit
Ang marunong ay pumasa sa ginawang pagsusulit
Nang mayaman ay lumagpak, kay San Pedro iginiit
Limpak-limpak niyang salapi, sa impyerno siya'y napiit.

Yaman ba ang magdadala sa tugagog ng pangarap?
Ang kinang ba ng salapi sa paghanga ay pambihag?
Dahil yata puro pera sa katalo'y nasa utak
Pati yaong baluktot na'y tuwid pa ring sinusulyap.


MAYAMAN (Ikalawang tindig)

Katalo ko'y kay-aga pong kasalana'y 'kinumpisal
Inamin pong ang may aral, lingkod lamang ng may yaman
Pag nagsara ng negosyo ang mapera't may puhunan
Ang kawawa'y ang marunong na kawaning swelduhan lang!

Bilib ka sa matalino, ganyan din si Eba't Adan
Paraiso'y nakamtan na, wala pa ring kasiyahan
Sa hangad na magmarunong, nilabag ang kautusan
Pati dunong ng Maylikha ay nais na mapantayan!

Kahit ubod ka ng galing at nuno ng karunungan
Yagit ka ring ituturing hangga't di ka yumayaman
Ang taginting ng salapi ay musika sa lipunan
Pag tama mo sa swipistik, daig mo pa ang superstar!

Kayamanan, pag labis na, marami ang natutuwa,
Matatag ang ekonomiya, masagana itong bansa
Ang dunong ng isang tao, pag sumobra ay masama,
Sa mental po humahantong, nagbibilang na ng tala!


LAKANDIWA

Sandali muna akong sa labanan ay papagitna
Ang sagutan ng dalawa'y nagiging pabigla-bigla
Para bang mga teksas, sa kulunga'y nagwawala
Sa pagnanais na makasipa at makatuka!

Ang nais ko't hiling sa dalawang naghihidwa
Sana ang hinahon sa inyo'y hindi mawala
Muli ay tumindig at sa labanan ay pumagitna
Ihatid naman natin sila ng palakpakang pampasigla!


MATALINO (Ikatlong tindig)

Mahirap pong umunawa ang makatang mukhang pera
Ang sabi ko, ang may aral, sa mayaman ang nagdadala
Kung sa mental humahantong ang may dunong na sumobra
Sa walang alam pagkat tanga, may ospital nga ba kaya?

Sobrang silaw sa salapi ay malaking kapintasan
Pagkat walang itatangi kundi yaong kumikinang
Dahil dito'y nalilimot sa puso ang kabutihan
Nang dahil din po sa pera, nandyan ang kapalaluan.

Ang buhay natin sa mundo, kung inabot ng finished contract
Kaluluwa ng may dunong sa langit ay natitiyak
Dahil sinamba ng mayaman, ginto, salapi at pilak,
Na-cancel ang entry permit, inabot ay hanggang ulap.


MAYAMAN (Ikatlong tindig)

Wala nga pong pagamutan sa mapurol ang isipan
Dahil hindi pa po sira, pwede pa ring pagtyagaan
Ang malungkot ay sila pang ignoranteng kababayan
Ang madaling naloloko ng rekruter na maalam!

Hindi lahat ng may pera'y sumasamba sa salapi,
Tulad ni Job, mas maraming sa D'yos Ama'y nagpupuri
Kalulwa ng may talinong sa kapwa ay nanduhangi
Made-deport sa impyerno pagkat passport pala'y peke!

Tigilan na ang pagsabing matalino'y syang may dala
Sa mayaman, pagkat baka makulitan ang balana
Pasalamat ka na lamang, kaydami ng may diploma
Kinakalawang ang utak, walang trabahong makita!


MATALINO

Katunggali ang nagsabing ang tanga ay naloloko
Matuwid ang kahulugang dapat magpakatalino
Si Abraham at Isaac maging si Job ay may ulo
Kaya sila nagsiyaman, dahil hindi mga bobo.

Hindi ka ba nagtataka? Sikat ka't hinahangaan,
Kahit ikaw ay mahirap, talino mo'y sa bigkasan
Talo mo pa si Ayala, Sarmiento at Lardizabal,
Marami sa 'yong nakikinig dahil sa iyong kaalaman!


MAYAMAN

Bakit ko ba hahangaring ako'y maging marunong pa
Gayong halos lahat naman, nabibili na ng pera
Talino ng abugado, duktor, hilot, kumadrona
Ay may presyong kagaya rin ng kakaning tinitinda!

Sa labanang pasikatan, sino'ng unang papansinin?
Sino nga ba'ng hahangaan kung dalawa'y pagtabihin?
Matalinong mukhang engot dahil pobre at gusgusin?
O mayamang mukhang "genius", pagkat porma'y mamahalin?


MATALINO

Di katumbas ng halaga ang magandang kalooban
Iyan namang salapi mo'y palamuti lang ng katawan
Di sa panlabas na anyo nakikita ang katinuan
Kundi sa gawa ng taong may inaangking kaalaman.


MAYAMAN

Ako yata ay naligaw sa labanang napasukan
Akala ko, paksa dito'y sino'ng sikat, hahangaan?
Kayamana'y panlabas nga, sapagkat ang kalooban
Ay di tayo ang hahatol, yan ay D'yos lang ang may alam!


MATALINO

Sa landas mang pagkalinis, ang mangmang ay naliligaw
Ang paghanga sa marunong, maingat sa daraanan!


MAYAMAN

Ngayo'y di na mayaman ang binubugbog ng kalaban
Sa marunong versus mangmang napalihis ang usapan!


MATALINO

Kamangmangan ng mayaman ang siya kong tinutukoy
Mahirap makaintindi, kalaban ko'y nagmamaktol!


MAYAMAN

Ako pa raw ngayon itong pang-unawa'y kinukulang
Magkano ka? Sabihin mo, matahimik ka na lamang!


MATALINO

Katalo ko'y di lang bobo, abusado pa rin pala!


MAYAMAN

Sagot ko na ang ticket mo, may pam-pocket money ka pa!


MATALINO

Marunong ang hahangaan, di mayamang walang alam!


MAYAMAN

Sa gobyerno ay kaydaming matalinong magnanakaw!


LAKANDIWA

Akin na pong pipigilin ang talaktakan ng dalawa
Ako namang Lakandiwa ang papasok sa eksena
Ang hiling ko sa dalawang makata ay magkamay na
At sa inyo, mga kababayan, palakpakan muli sila!

Mahirap man ang humatol ay akin nang gagawin
Sa katwiran ng dalawa na mahirap arukin
At sapagkat ang dalawang ito'y kapuwa magagaling
Marahil ay mahihirapan akong matuwid nila'y limiin.

Sa panig ng matalino na si Juliet Asenita
Dahil daw sa talino, nakilala ang ating bansa
Talino raw ang puhunan sa buhay ay pakikibaka
Matalino raw ang siyang sikat at hahangaang talaga.

At si Ralph Pulmano po sa panig ng mayaman
Dahil daw sa yaman, sisikat ka at hahangaan
At kung mayaman ka, magpakahirap ay di na kaylangan
Tila may katwiran din ang makata ng Binan.

Kung ang talino'y ginamit sa mabuting paraan
Walang pagsalang ito'y dapat nating hangaan
Ngunit kung ginamit ito sa kapwa ay panlalamang
Bagkus ay dapat pang ito ay pintasan.

Hahangaan mo rin ba ang isang mayaman
Kung wala namang malasakit sa kapwang nahihirapan?
Datapwa't kung ang yaman ay ginamit sa katuwiran
Walang pag-aatubili, sisikat siya at hahangaan.

Kung sa tugatog ng tagumpay ay marunong ang kailangan
Datapuwat kakailanganin din ang puhunan ng mayaman
Yaman ang magpapakilos sa matalinong tauhan
Ngunit matalinong tauhan din, magpapatakbo ng negosyo ng mayaman.

Ang paksa ay sino nga ba ang higit na hahangaan
Ang may angking talino ba o ang isang mayaman?
Narito ang hatol ko sa dalawang naghidwaan:

Patas po ang naging laban, sila'y ating palakpakan!

(Source: http://ofw-bagongbayani.com/b-matalino_mayaman.html)




SIPAG O TALINO



LAKANDIWA:

Ako itong lakandiwang nagbuhat pa sa Bulacan.
Buong galang na sa inyo’y bumabati’t nagpupugay.
Taglay ko din ang pag-asang, naway maging matagumpay.
Patimpalak sa bigkasang, kung tawagi’y balagtasan.
Paksang aking ilalatag, pakiwari’y mahalaga.
Pagkat nasasangkot dito’y bayan nating sinisinta.

Sa pag-unlad nitong bayan, puhunan ay ano baga,
Ang SIPAG ba o TALINO, alin ang mas mahalaga?
Kaya’t inyong lakandiwa ay muling nag-aanyaya
ng dalawang mambibigkas na mahusa’y at kilala.
Ang hiling ko’y, salubungin ng palakpak ang dalawa.
Panig nilang ihaharap ay suriin at magpasya.

SIPAG:
Kapag baya’y umunlad. Ang pagko’y pinupukol.
Sa gobyerno at mga tao, sama-sama’t tulong-tulong.
Kung ang lahat ay tinatamad, bayan nati’y ano ngayon?
Wala na ngang pagbabago. Kabuhaya’y urong-sulong.
Kasipaga’y puhunan nating lahat sa gawain,
Maliit man o malaki, mahirap man ang gampanin.
Kung ang ating kasipagan, itatabi’t magmamaliw.
Maunlad na Pilipinas, di natin masasalapi.


TALINO:
Akong aba’y inyong lingkod, isinilang na mahirap,
at ni walang kayamanan, maaaring mailantad.
Pamana ng magulang ko ay talinong hinahangad,
Pamanang magtatanghal, puhunan sa pag-unlad.
Sa gobyerno at lipunan, mga tao’y may puhunan
Na kanilang tataglayin, habang sila’y nabubuhay.
Ang talino’y nagbubuklod, sa pambansang kalayaan,
Nagbibigkis sa damdamin, makayao’t makabayan.

LAKANDIWA:
Matapos maipahayag ang panig ng magtatalo,
Ngayo’y aming ihahanda, tayog ng inyong talino
Bawat isa’y papalaot sa napapanahong isyu
Kaya’t inyong timbangin upang inyong mapagsino.

SIPAG:
Sa tuwing may magaganap na halalan sa’ting bayan,
Sinusuring kandidata, may nagawang kabutihan,
Kung anong kursong natapos ay hindi na inaalam.
Kakayahan n’ya at sipag, tanging pinag-uusapan,
Aanhin mo ang talino kung di naman nagagamit,
Mga tao’y umaasa, lalo’t sila’y nagigipit.
Matalinong naturingan, tamad naman walang bait.
Kawawa lang itong bansa, mga luha ang kapalit.

TALINO:
Nalimutan ng kantalo, mga bayaning namatay,
Na nagtanggol sa ‘ting bayan , ng laya ay makamtan.
Kung di dahil sa talino, taglay nila nung araw,
Hanggang ngayon, tayong lahat, alipin pa ng dayuhan.
Mga naging presidente o senador at kongresman.
Lahat sila ang talino ay di natin matawaran.
Mga batas na ginawa’t pinatupad sa ‘ting bayan,
pinuhunan ay talino , kaya’t sila’y naging gabay.

SIPAG:
Sa dami ng matalino, namumumuno sa ating bansa,
Ibat-ibang pagpapasya at maging paniniwala.
Utos ditto, utos doon, sila’y di gumagawa,
kaya’t laging nababalang kapakanan naming dukha.
Samantalang kung masipag itong mga punong halal,
Sa problema’t kalamidad, sila’y laging naririyan,
Hindi na kailangang tawagin sila kung saan,
Sapagkat pagtulong nila ay kambal ng kasipagan.

TALINO:
Tila yata nalimutan nitong aking katunggali,
Sa pagtulong ay talino ang gamit palagi,
Pag mayroong kalamidad, manloloko’y nariyan lagi,
Kaya’t anong mahalaga, Talino’y ipagbunyi.
Matataas na gusali, Super market, public mall,
Fly overs, sky ways, at ibat-ibang komunikasyon.
Lahat ng yan ay nagawa, talino ang naging puhon,
Kaya’t bayan ay umunlad, ang biyaya’y tuloy-tuloy.

SIPAG:
Sipag ang kailangan!

TALINO:
Talino ang puhunan!

SIPAG:
Matalino nga, tamad naman!

TALINO:
Ang taong tamad ginagamit ang talino para sumipag.

SIPAG:
Sipag!

TALINO:
Talino!

LAKANDIWA:
Saglit munang pinipigil, inyo itong lakandiwa.
Pagtatalo nitong dalwang mahuhusay na makata,
Pagkat tila nag-iinit, at kapwa di masawata.
Inilahad na katwiran, nakatatak sa ating diwa,
Ang talino ay biyaya’t kayamanang handog ng Dyos,
Lagi nating nagagamit, sa mabubuting gawa’t loob.
Kasipagan at talino, pagsamahing walang toos,

Kaya’t dapat ng magsanib, pag-isahing lubos-lubos.
Ang talino’y siyang utak sa balangkas ng paggawa.
Ang sipag nama’y s’yang bisig sa planong binabadya.
Kung ang isa’y mawawala, walang silbing magagawa.
Kaya’t kapwa mahalaga.
Panalo silang kapwa.
 

12 comments: