Mga Parabula

 Ano ang Parabula?

Ang talinghaga, talinhaga, o parabula ay isang maikling kuwentong may aral na kalimitang hinahango mula sa Bibliya. Ang parabula ay nanggaling sa English word na parable na nanggaling naman sa Greek word na parabole na ang ibig sabihin ay maiksing sanaysay tungkol sa buhay na maaring mangyari o nangyayari na kung saan nagtuturo tungkol sa ispiritwal o kagandahang asal na magiging gabay ng isang taong nahaharap sa pangangailangang mamili o magdesisyon.

Isa itong maikling salaysay na maaaring nasa anyong patula o prosa na malimit nangangaral o nagpapayo hinggil sa isang pangyayari, na kadalasang isinasalarawan ang isang moral o relihiyosong aral. Taliwas sa pabula, ang parabula ay walang inilalahok na tauhang hayop, halaman, bagay, at puwersa sa kalikasan na pawang kumikilos at nagsasalita gaya ng tao. Isang katangian nito ang pagiging isang kuwentong naglalahad o nagpapakita ng kung paanong katulad ng isang bagay ang iba pang bagay. Karamihan sa mga talinghagang nasa Bibliya ay mga kuwentong sinabi ni Hesus, na nagtuturo ng kung ano ang katangian ng Kaharian ng Diyos.



 Ang Magkapatid

Minsan may magkapatid na naninirahan sa isang bayan.  Ang isa ay mayaman.  At ang isa naman ay mahirap na walang ibang pinagkakabuhayan kundi ang pagtatanim ng kalabasa.
Isang araw, namunga ng isang kakaibang kalabasa ang kanyang pananim.  Isang kalabasang may pambihirang laki!
Hindi alam ng lalaki ang kanyang gagawin sa dambuhalang kalabasa.
Naisin man niyang kainin ito, ngunit napakalaki at tiyak na maraming masasayang.  Kung mag-iimbita siya ng mga bisita para kumain sa kalabasa ay manghihinawa lang ang mga iyon.  Kung dadalhin naman niya sa palengke upang ibenta ay hindi rin maaari.  Walang sasakyang maaaring magdala sa ganito kalaking kalabasa.  At hindi rin magiging sapat ang kita para makabawi sa gagamiting transportasyon patungo sa palengke.
Naisip ng taong ito na iregalo na lamang sa hari ang dambuhalang kalabasa.
At ganoon nga ang kanyang ginawa.  Laking tuwa ng hari.  Dahil noon lamang ito nakakita ng ganoong kalaking kalabasa.
Isa itong kamangha-manghang bagay.  Tiyak na magiging pangunahing pang-akit ito sa ating kaharian!
At dahil sa kasiyahan ng hari, binigyan nito ng ginto at mamahaling bato ang taong nagbigay ng regalo.  Tuwang-tuwa siya at kaagad nagtungo sa kanyang kapatid upang isalaysay ang nangyari.
Hindi makapaniwala ang kanyang mayaman na kapatid.
Gayunpaman, naisip ng mayamang kapatid na kung ang hari ay natuwa sa walang kuwentang kalabasa, tiyak na mas ikagagalak nito kung reregaluhan niya ng mas mahalagang bagay tulad ng mamahaling kasuotan at magagandang alahas.
Kaya’t ganoon nga ang ginawa ng mayamang kapatid.  Niregaluhan niya ang hari ng mga magagandang kasuotan at magagandang alahas.
Lubos namang natuwa ang hari.  Ang sabi niya, Ang mga ganitong pambihirang regalo ay dapat lang suklian ng pambihirang regalo.
Natuwa ang mayamang kapatid.  Batid na niyang saku-sakong ginto ang ireregalo sa kanya.
Ngunit sa kanyang kabiglaanan, ang ipinagkaloob sa kanya ng hari ay ang pinakamahalagang bagay sa palasyo noong mga sandaling oyon.
At iyon ay walang iba kundi ang dambuhalang kalabasang nagmula sa kanyang kapatid.
Mensahe: Magbigay tayo nang hindi naghahangad ng kapalit. Huwag umasa ng kapalit sa bawat bagay na ibinibigay natin nang hindi tayo mapahiya.

Sanggunian: Custodio, R.M. Pabula at Parabula. Valenzuela City: S.G.E. Publishing, Inc., pp. 95-96.


Ang Pulubi at ang Mahabaging Diwata

Matagal nang pinagmamasdan ng Diwatang mahabagin ang isang pulubi sa lansangan ng bayan.
Awang-awa siya rito.
Matanda na ang pulubing babae.  Walang kasama at batid niyang nag-iisa ito sa buhay dahil walang pamilya.
Minsan, nais sana niyang alamin ang dahilan kung bakit nagkaganoon ang naging kapalaran ng kawawang pulubi.  Ngunit wala siyang kakayahang bumalik sa kahapon.  At ang mga pinagdaanan ng matandang pulubi ay isang misteryo.
Sa sobrang habag ng diwata sa pulubing iyon ay kinausap niya si Bathala.
Ano ang puwede kong magawa upang matulungan siya?
Wala ka nang magagawa para matulungan ang pulubing iyon, ang sabi ni Bathala.
Pero baka may paraan pa…
Isa lang ang alam kong paraan, ang tugon ni Bathala.  Ang mabigyan siya ng panibagong simula…
Tama!  Iyon nga ang maaari nating gawin para matulungan siya!
Pero hindi ko ginagarantiyahan na may magbabago sa takbo ng kanyang buhay.
Ang mahalaga’y mabigyan siyang muli ng pagkakataon! ang masayang sabi ng Diwata, at siya nga ay dali-daling nagtungo sa pulubi.
At sa panaginip nito, siya nagpakita.
Bibigyan ka namin ng isa pang pagkakataon sa buhay.  Muli kang magiging isang sanggol, nang sa ganoon ay muli kang makapagsimula ng bagong buhay.
At ganoon nga ang nangyari.  Ang pulubi ay naging isang sanggol muli.
Inilagay ng Diwata ang sanggol sa tapat ng pintuan ng isang mayamang mag-asawang pamilya na hindi magkaanak.  At nang buksan ng mag-asawa ang pintuan ay laking tuwa ng mga ito nang makita ang sanggol.
Napanatag na ang kalooban ng Diwata.  Tinitiyak na niyang maganda ang magiging buhay ng dating pulubi.
At lumipas nga ang mahabang panahon.
Patuloy pa rin ang kalungkutan ng Diwata, sapagkat sa dinami-rami ng kanyang natulungan, hindi pa rin maubos-ubos ang pulubi sa langsangan.
Bakit ba ganun? ang tanong niya kay Bathala.
Bakit hindi ang pulubing tinulungan mo ang tanungin mo?  Marahil, mas alam niya ang kasagutan sa tanong mo.
Pero saan ko siya matatagpuan? ang tanong ng Diwata.
Kung saan mo siya unang nakita at nakilala.
At ganoon na lamang ang pagkagitla ng Diwata.  Dahil ang pulubing binigyan niya ng panibagong simula, ay lumaki rin at tumandang isang pulubi.
Saan ako nagkulang? ang tanong ng Diwata.
Hindi ikaw ang nagkulang, ang tugon ni Bathala.  Sila ang nagkulang sa kanilang sarili kung kaya’t sila’y nagkaganyan.

Mensahe: Hindi nakasalalay sa tadhana at mga pagkakataon ang ating kapalaran. Ito ay naaayon sa ating sariling desisyon at pagkilos. Ang kasipagan ang tunay na solusyon sa kahirapan.

Sanggunian: Custodio, R.M. Pabula at Parabula. Valenzuela City: S.G.E. Publishing, Inc., pp. 80-83.

(source:http://kapitbisig.com/philippines/information/arts-and-literature-mga-parabula-parables.189)