Mga Tula / Poems

Ang tula ay anyo ng panitikan at ito ay binubuo ng taludtod. Ang tula ay isang anyo ng panitikan na nagpapahayag ng damdamin ng isang tao. Ito ay binubuo ng mga saknong at ang mga saknong ay binubuo ng mga taludtud. Ang tula ay pagpapahayag ng magagandang kaisipan at pananalita sa pamamagitan ng mga taludtod. Ang kalipunan ng mga taludtod ay tinatawag na taludturan o saknong.

Ang tula ay nagpapahayag ng damdamin, kaisipan, gamit ng marikit na salita. Ang kaayusan ng mga salitang nagkakatugma na nagpapahayag ng katotohanan. Ang pagsulat ng tula ay isang paraan ng makata upang maihayag ang kanyang damdamin/nararamdaman batay sa sariling karanasan, namasid at napakinggan. Maaaring bunga lamang ng malikot o malawak na kaisipan.

Paraan din ito ng pagsasatitik ng marubdob na nararamdaman upang kahit papano ay maibsan ang pagdadalamhati, kalungkutan at kasiyahang walangmapagsidlan.
                                
 



                     SA TABI NG DAGAT
                               by Ildefonso Santos in 1897

      Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
      maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
      di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
      ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!
      Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
      na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
      patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
      nguni’t walang ingay,
hangganq sa sumapit sa tiping buhangin...
      Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nanginigmi,
      gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
      doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
      hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
      Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
      sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw...
      Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
      lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan...







Sa Aking mga Kababata

ni Dr. José Rizal


Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
sa kanyang salitang kaloob ng langit,
sanlang kalayaan nasa ring masapit
katulad ng ibong nasa himpapawid.
Pagkat ang salita'y isang kahatulan
sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
at ang isang tao'y katulad, kabagay
ng alin mang likha noong kalayaan.
Ang hindi magmahal sa kanyang salita
mahigit sa hayop at malansang isda,
kaya ang marapat pagyamaning kusa
na tulad sa isang tunay na nagpala.
Ang wikang tagalog tulad din sa latin,
sa ingles, kastila at salitang anghel
sapagka't ang Poong maalam tumingin
ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
Ang salita nati'y huwad din sa iba
na may alfabeto at sariling letra,
na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
ang lunday sa lawa noong dakong una.